HINDI bababa sa labinlima ang nasawi habang labing apat ang nasugatan sa riot sa pagitan ng inmates, sa isa sa pinakamalaki at notoryus na kulungan sa Ecuador.
Ayon sa National Prison Agency, sumiklab ang kaguluhan sa isa sa pavilions ng Litoral Penitentiary sa Coastal City ng Guayaquil, na kilala sa mararahas na sagupaan sa pagitan ng magkakalabang gang.
Halos kalahating araw bago nakontrol muli ng mga awtoridad ang piitan at nakapagsagawa ng large-scale search.
Kilala ang prison system sa Ecuador bilang sentro ng karahasan sa bansa, kung saan daan-daang inmates ang nasawi sa mga nakalipas na taon, bunsod ng agawan sa kapangyarihan ng mga grupo ng mga kriminal.