HINAMON ng Simbahan at Komunidad Laban sa Katiwalian (SIKLAB) ang Office of the Ombudsman na sampahan ng kaukulang mga kaso ang mga opisyal na inirekomendang kasuhan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Nanawagan ang Church-Led Group na kabilang sa organizers ng Trillion Peso March noong Sept. 21, sa mga Ahensya ng Pamahalaan na tugunan ang Flood Control Crisis at pakinggan ang galit ng taumbayan sa nangyayaring kawalan ng katarungan.
Iginiit ng SIKLAB na dapat ng isampa ang lahat ng mga kaso, lalo na ang Plunder Cases na inirekomenda ng ICI, upang masimulan na ang pagpapanagot sa mga nagkasala.
Umapela rin ang grupo sa Ombudsman, maging sa liderato ng Senado at Kamara, na suspindihin ang lahat ng mga isinangkot ng ICI sa katiwalian sa Flood Control Projects. Kabilang sa mga tinukoy ng ICI na posibleng maharap sa Criminal Liability bunsod ng pagtanggap ng Kickbacks mula sa contractors ay sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada; Former Reps. Zaldy Co at Mitch Cajayon; COA Commissioner Mario Lipana; at Dating Public Works Usec. Roberto Bernardo.




