BINATIKOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tinawag na “useless” ang Rock Shed Infrastructure Project sa Tuba, Benguet, matapos makita na natibag na ang bahagi nito kasunod ng Landslides at Rockslides sa mga nakalipas na buwan.
Binigyang diin ng pangulo na maaring sampahan ng pamahalaan ng kasong “Economic Sabotage” ang mga sangkot sa proyekto, na nagkakahalaga aniya ng 264 million pesos.
Sinabi ni Marcos na hindi trinabahong mabuti ang proyekto at ang ginawang Protection Wall ay ubod ng hina.
Idinagdag ng pangulo na tila walang ginawa at walang itinayong pader at Slope Protection dahil ganoon din ang nangyari.
Para maresolba at maiwasang mangyari ang kahalintulad na sitwasyon, inihayag ng punong ehekutibo na dapat magkaroon ng ‘acceptance” mula sa lokal na pamahalaan.
Nangangahulugan ito na na magpapasya ang Local Government kung kapaki-pakinabang at katanggap-tanggap sa lugar ang proyekto, na hindi ginagawa ngayon ng mga lokal na opisyal.