DAGSA na naman ang mga Chinese fishing vessel sa West Philippine Sea.
Ito ang nakita sa isinagawang aerial patrols, gamit ang air assets ng Western Command (WESCOM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lugar.
Ibinahagi ng AFP WESCOM ang mga larawan na kuha sa isinagawang air patrols noong September 6 hanggang 7 kung saan makikita ang nakababahalang presensya ng mga barkong pangisda ng China.
Ayon sa AFP, sa Rozul (iroquios) reef, tinatayang nasa 23 fishing vessels ng China ang namataan.
May mga nakita ring limang Chinese fishing vessels sa Escoda (sabina) Shoal, at dalawa sa Baragatan (nares) Bank.
Ayon sa AFP WESCOM, ang pagtaas ng presensya ng CFVS sa West Philippine Sea ay nakababahala dahil sa potensyal na implikasyon nito sa maritime security, fisheries conservation, territorial integrity, at preservation ng marine environment sa lugar.
Una nang iniulat din ng Philippine Navy na noong August 24 may namataang 33 CFVS sa Rozul (iroquios) reef sa isinagawa nilang routine air patrol.
Ang Rozul Reef ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.