May natitira pang isandaan walumpung aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Samar Island na tinawag ng militar na “roving bandits.”
Sinabi ni Major Gen. Camilo Ligayo, Commander ng 8th Infantry Division na kabado na ang mga natitirang NPA members dahil sa patuloy na pagkamatay, pag-aresto, at pagsuko ng kanilang mga lider.
Idinagdag ni Ligayo na kaya nagmamatigas ang mga natitirang rebelde na sumuko sa mga otoridad ay dahil mayroon silang mga kinakaharap na mga kaso.
Kumpiyansa naman ang opisyal na malilipol nila ang mga rebelde sa tatlong Samar provinces bago matapos ang taon.
Sa kasalukuyan ay nag-deploy ng sampung army battalions sa Samar bilang bahagi ng pagpapaigting ng pamahalaan sa paglaban sa mga rebeldeng komunista.