AALAMIN ng Philippine Army 802nd Infantry Brigade ang mga hiling sa kapaskuhan ng mga pamilya, kaanak, at mahal sa buhay ng mga aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) bilang bahagi ng kanilang local peace effort.
Sinabi ni Brig. Gen. Noel Vestuir, Commander ng 802nd IB na nag-o-operate sa Leyte Island at ilang bahagi ng Samar Provinces, na kumpiyansa sila na kabilang sa mga hiling ng mga pamilya ay umuwi na ang kanilang mga mahal sa buhay na patuloy sa armadong pakikibaka.
Sa ilalim ng “Wish Upon a Star” Project, ire-record ng army ang christmas wishes ng mga pamilya ng mga aktibong miyembro ng npa, at ibabahagi ang video sa Local Task Force to End Local Communist Armed Conflict at netizens hanggang sa mapanood ng mga rebelde.
Mayroon pang apatnapu’t dalawang rebelde na naitala ng apat na batalyon ng army sa ilalim ng 802nd Brigade sa Leyte Island at ilang bahagi ng Samar at Eastern Samar Provinces.
Idinagdag ni Vestuir na kakaunti na lamang ang mga rebelde at umaasa sila na makakamtan na nila ang kapayapaan ngayong pasko.