BOLUNTARYO na itinurn-over ng isang ama ang parcel na nakapangalan sa kanyang anak na naglalaman ng droga sa Calbayog City Police Station.
Personal na sinamahan ni Michael Rebucas, residente ng Brgy. Carmen ang kanyang anak na estudyante sa himpilan ng pulisya para isurrender ang naturang controlled delivery package na ipinadala sa pamamagitan ng flash express at nakapangalan sa kanyang anak, araw ng Martes, Ikatlo ng Oktubre, 2023.
Kuwento ni Rebucas, galing sa isang Amir Louie Sanros ng San Pedro City, Laguna ang parcel.
Sa pagbubukas ng nasabing package na isinagawa sa Calbayog City Police Station, nabatid na naglalaman ito ng portable handy grill na naka-bubble wrap at sa loob nito ay nakalagay ang naka-vacuum sealed na marijuana na tumitimbang sa humigit kumulang sa 0.520 na gramo.
Samantala, nagsagawa ng imbentaryo at dokumentasyon ng nasabing tuyong marijuana at ipasusuri sa Northern Samar Provincial Crime Laboratory.