AGAD isinilbi ng Calbayog CPS sa pangunguna ni Plcol. Joy G. Leanza, kasama ang ibang unit ng PNP ang search warrant na inisyu ni Hon. Judge Reynaldo B. Clemens ng RTC Branch 31, Calbayog City kay Ernesto Nayangga alyas Eding, 39 anyos, residente ng Purok 1, Brgy Gabay Calbayog City Samar.
Sa ulat ng PNP, nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang unit na hand grenade.
Isinagawa ng mga otoridad ang operasyon araw ng Lunes, September 11, 2023.
Ayon naman sa asawa ng suspek, hindi sa kanila ang nasabing granada at hindi sila maaring mag-ingat ng naturang pampasabog dahil may mga anak sila.
Sinabi pa ng mga ito, na itinanim lamang sa kanilang bahay ang nasabing granada bago pa man magsagawa ng “search” dahil may mga naunang pumasok na mga pulis. Wala din umano silang baril sa kanilang bahay.
Samantala, dinala ang suspek sa Calbayog City police station para sa sampahan ng paglabag sa RA9516 at COMELEC Gun Ban.