Inaayos pa ng Metro Manila Council (MMC) ang ilang requirements sa pagse-set-up ng digital payment platforms para sa full implementation ng single ticketing system sa National Capital Region.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes na tuloy-tuloy naman ang kanilang pilot implementation at mainam na hangga’t kakaunti pa lamang ang nakakakita ay maayos na nila ang anumang problema sa pagpapatupad ng single ticketing system.
Inihayag naman ni MMC President, San Juan City Mayor Francis Zamora, na pinag-aaralan pa nila ang halaga ng bond sakaling mabigo ang digital platforms na mag-remit ng koleksyon ng multa mula sa mga motorista.
Idinagdag ni Zamora na nananawagan ang MMC sa digital payment platforms na magkaroon ng unified bond para sa lahat ng labimpitong lokal na pamahalaan sa Metro Manila.