27 April 2025
Calbayog City
Local

San Antonio, Northern Samar, Idineklarang may Stable Internal Peace and Security

OPISYAL nang idineklara na may Stable Internal Peace and Security (SIPS) ang munisipalidad ng San Antonio sa Northern Samar.

Ang nasabing bayan ay siyang pang-12 sa 24 na munisipalidad sa lalawigan na nakamit ang ganitong estado.

Ang deklarasyong ito ay isang mahalagang hakbang patungo sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lugar na isang pangunahing kinakailangan upang mahikayat ang mga investors na magnegosyo sa lugar.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni Brigadier General Efren Morado ang Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) at lahat ng stakeholder na nag-ambag sa tagumpay na ito.

Inalala ni General Morado ang matinding pagsubok na kanyang hinarap, limang taon ang nakalipas, noong siya ay unang humarap sa sitwasyon.

Aniya, mayroong humigit-kumulang 400 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Northern Samar, na binubuo ng apat na pangunahing grupo. Sa kasalukuyan, wala nang natitirang pwersa ng NPA sa unang distrito, kabilang ang bayan ng San Antonio.

Gayunpaman, binanggit niya na may mahigit 50 na rebelde pa rin ang nananatili sa mga bayan ng Las Navas, Silvino Lobos, Matuguinao, Catubig, Gamay, at Jipapad. Dahil dito, hinimok niya ang mga lokal na pamahalaan na putulin ang kanilang suplay ng pagkain upang mahirapan silang manatili at mapilitang sumuko.

Sa pagkamit ng SIPS ng San Antonio, nananatiling nakatuon ang mga lokal na opisyal at security task force sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan upang masiguro ang isang ligtas at maunlad na bayan para sa mga mamamayan at mga potensyal na mga investors.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).