IPINAG-utos ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang pagpa-patrolya para sa mas epektibong police visibility at matiyak ang mabilis na pagresponde sa mga krimen at emergencies.
Ayon sa PNP, saklaw ng direktiba ang foot patrols, kung saan mag-iikot ang mga pulis sa residential areas at matataong lugar; at motorcycle patrols, kung saan babantayan naman ng motorcycle units ang key areas para maagap na makaresponde sa anumang insidente.
Obligado rin ang mga pulis na magpatupad ng pinaigting na OPLAN GALUGAD Operations na tututok sa “searches and inspections” sa mga itinalagang lugar; at OPLAN Sita para naman sa checkpoints upang tiyaking tumatalima ang mga motorista at maiwasan ang pagbiyahe ng illegal items.
Bilang bahagi ng naturang hakbang, inatasan ni marbil ang walumpu’t limang porsyento ng police officers na aktibong lumahok sa field duties, at bawasan ang bilang ng mga naka-assign sa office work.