NAGBABALA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa posibleng paggamit ng perang nagmula sa mga iligal na POGO sa 2025 Midterm Election.
Aminado si DILG Secretary Benhur Abalos na ang perang galing sa mga iligal na aktibidad ay ginagamit ng ibang mga kandidato para manalo, at lahat ng mga ito ay maaring makaapekto sa halalan.
Sa datos mula sa PAOCC, ang mga POGO Hub ay kumikita ng dalawang bilyong piso kada buwan mula sa mga iligal na aktibidad.
Paliwanag ni PAOCC Spokesperson, Dr. Winston Casio, kung ang nanalong alkalde sa isang bayan ay korap na politiko, hindi na kailangan pa ng POGOs na mag-apply ng anumang dokumento at maaring mag-operate ang mga ito anumang oras.
Idinagdag ni Casio na nagmimistulang bulag, pipi, at bingi ang isang korap na politiko kapag nasusuhulan ng POGOs.