Binigyang diin ni Calbayog City Mayor Raymund “Monmon” Uy ang kahalagahan ng pagtalima sa protocol na itinakda ng Department of Education (DepEd) sa pagdedeklara ng class suspension, batay sa heat index.
Ginawa ito ng alkalde sa pakikipagpulong nito kay Dr. Jun-Nhilou Dulfo, DepEd Assistant Schools Division Superintendent (ASDS) Officer-in-Charge sa Calbayog City.
Layunin ng naturang pulong na makapagbalangkas ng malinaw na memorandum na magiging gabay ng mga principal sa pagdedeklara ng class suspensions kapag umabot sa critical levels ang heat index, upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at staff.
Present din sa meeting sina Dr. Avelina Tupa, OIC-School Governance and Operations Division; Oscar Billate Jr., Division Sports Coordinator; at Gina Moreno, Public Schools District Supervisor.
Ang pagtutulungan ng mga opisyal ay patunay ng nagkakaisang hakbang para sa pagpapatupad at pagpapatibay ng guidelines at procedures na itinakda ng Department of Education upang matugunan ang heat-related concerns at unahin ang kapakanan ng school community.