INAASAHAN ng National Food Authority (NFA) ang paglalagay ng Kadiwa Stores sa Eastern Visayas.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdagdag pa ng Kadiwa Stores upang mailapit sa Vulnerable Sectors ang murang bigas.
Inihayag ng NFA na dahil wala pa ring Local Government Units sa rehiyon na interesado sa pagbebenta ng bente pesos na per kilo ng bigas ay inaasahan nila ang pagbubukas ng Kadiwa Stores.
Sinabi ni NFA 8 (Eastern Visayas) Manager May Ann Sabarre na bago pa man ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ay naipabatid na sa kanila ng Department of Agriculture ang paglalagay ng Kadiwa Stores sa bawat labintatlong Congressional Districts sa rehiyon.
Idinagdag ni Sabarre na hinihikayat din nila ang mga lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas na lumahok sa programa, subalit isinasapinal pa ng mga opisyal ang mekanismo kung paano i-a-allocate ang 6 pesos and 50 centavos na Subsidy sa kada kilo ng bigas.