BINIGYANG diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang inspeksyunin ang maintenance ng San Juanico Bridge kada tatlong taon upang matiyak ang kaligtasan nito.
Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag nang inspeksyunin nito ang Amandayehan Port sa Basey, Samar – ang alternatibong ruta, na ginagamit ng mga sasakyan na hindi pinapayagang dumaan sa San Juanico Bridge, sa gitna ng isinasagawang rehabilitasyon.
Sinabi ng pangulo na tila hindi nagawa noon ang kada tatlong taong inspeksyon at hindi naisagawa ng maayos ang maintenance, kaya nagkasira-sira ang tulay.
Itinayo noong 1969 at nakumpleto noong 1973, ang San Juanico Bridge na proyekto ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay ang ikatlo sa pinakamahabang tulay na tumatawid sa dagat sa pagitan ng mga isla ng Samar at Leyte.
Sa kabila naman ng rehabilitasyon sa San Juanico Bridge, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang matiyak na hindi maaapektuhan ang daloy ng supply ng mga produkto.
Sinabi ng pangulo na kailangang mapagbuti ang sitwasyon ng trapiko sa San Juanico, at gagawa ng paraan ang gobyerno ng sistema para mabigyan ng prayoridad ang perishable goods, gaya ng mga gulay.
Inamin din ni Pangulong Marcos na hindi mapipigilan ang pagtaas ng Transportation Costs sa gitna ng rehabilitasyon sa tulay.
Bunsod nito, tiniyak ng punong ehekutibo na magbibigay ng tulong ang pamahalaan para sa mga maaapektuhan ng Price Increase.