22 January 2025
Calbayog City
Local

P30B pondo para sa pensyon ng military at uniformed personnel, inilabas na ng DBM

APRUBADO na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng mahigit P30 billion na pondo para sa pensyon ng mga military and uniformed personnel (MUP) para sa unang quarter ng taon.

Ayon kay DBM Sec. Mina Pangandaman, mahalaga sa pang-araw-araw na pangangailangan ng MUP retirees at kanilang pamilya ang naturang pensyon.

Ang P30.409 billion ay kukunin mula sa Pension and Gratuity Fund (PGF) sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12116 o FY 2025 General Appropriations Act (GAA).

P16.752 billion mula sa nasabing halaga ay nai-release na sa Armed Forces of the Philippines – General Headquarters-Proper at sa Philippine Veterans Affairs Office sa ilalim ng Department of National Defense (DND).

Habang ang P13.297 billion naman ay nai-release na sa attached agencies ng Department of Interior and Local Government (DILG) gaya ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at National Police Commission.

Naglaan din ng P8.530 million na pondo para sa 34 na pensioners sa ilalim ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

At P350.680 million na pondo para sa pensyon ng 2,836 retired uniformed personnel ng Philippine Coast Guard (PCG). (DDC)

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).