KINUMPIRMA ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtagas ng industrial fuel oil mula sa cargo tanks ng M/T Terra Nova na lumubog sa Bataan.
Ayon sa PCG, kinumpirma ng divers mula sa Harbor Star na siyam na tank valves ang nagli-leak.
Nabatid na ang mga tangke ay may kargang 1.4 million liters ng industrial fuel oil.
Sinabi ng coast guard na agad sinelyuhan ng mga diver ang mga barbula, at tinapos ang aplikasyon ng second layer ng sealant bago mag alas onse ng umaga, kahapon.
Una nang inihayag ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na posibleng maapektuhan ng oil spill ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite at Pampanga.
Samantala, magsasagawa naman ng pagsusuri ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill upang malaman kung kailangang magdeklara ng fishing ban.