MAYORYA ng mga Pilipino ang pabor na ipagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa bansa, batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research.
Sa June 26 to July 1 tugon ng masa survey na nilahukan ng 1,200 respondents, 83% ang sumagot ng “yes” habang 12% ang sumagot ng “no” at 5% ang nagsabing hindi sapat ang kanilang nalalaman para magbigay ng opinyon.
Sa major areas, ang Balance Luzon na may 90% ang may pinakamataas na agreement rating sa pag-ban sa POGO operations sa bansa.
Ang National Capital Region naman ang nakapagtala ng 20% ang may pinakamataas na disagreement rating.
Sa kaparehong survey, 85% ng mga pinoy ang nagsabing susuportahan nila ang mga kandidatong tutol sa operasyon ng POGO habang 12% ang nagsabing hindi nila susuportahan ang mga politikong pabor sa nationwide ban sa POGO.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Lunes, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-ban sa lahat ng POGO sa bansa hanggang sa katapusan ng taon.