PINASALAMATAN ng Philippine Army ang mga residente sa Northern Samar sa pagbibigay ng impormasyon na nagresulta sa pag-neutralize sa dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Binigyang diin ni Major Gen. Adonis Ariel Orio, Commander ng 8th Infantry Division, ang kahalagahan ng suporta ng komunidad sa tagumpay ng operasyon sa Northern Samar, na ikinu-konsiderang huling balwarte ng insurhensiya sa Eastern Visayas.
Sinabi ni Orio na ang matagumpay na operasyon laban sa mga natitirang miyembro ng Eastern Visayas Regional Party Committee matapos ang dalawang magkasunod na engkwentro sa Northern Samar ay testamento ng commitment at dedikasyon ng militar at pakikipagtulungan ng mga residente ng lalawigan.
Ang tinutukoy ng opisyal ay ang dalawang rebelde na napaslang sa maikli ngunit maigting na engkwentro sa bulubunduking barangay ng San Jose sa Mapanas, Northern Samar, noong nakaraang linggo.
Nakumpiska rin ng mga sundalo mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang M16 rifles, daan-daang mga bala ng M14, limang mahahabang magazines at iba pang mga kagamitan sa pakikidigma.