27 March 2025
Calbayog City
Local

Mga residenteng kusang nilisan ang kanilang bahay para bigyang daan ang Calbayog Development Project, pinasalamatan ng lokal na pamahalaan

mga bahay sa aguit-itan calbayog development project

Binisita ni Mayor Raymund “Monmon” Uy ang lugar kung saan pinagtatanggal ang mga bahay sa Barangay Aguit-itan, na matatagpuan sa likod ng Calbayog City Hall.

Ang pag-aalis sa mga bahay ay bahagi ng isinasagawang konstruksyon ng kalsada, partikular ang extension ng Pajarito Street, sa ilalim ng Phase 3 ng Calbayog Development Project.

Layunin ng naturang proyekto na paluwagin ang daloy ng trapiko at padaliin ang accessibility sa lugar.

Nasa limampu’t isang pamilya na naapektuhan ng proyekto ang ni-relocate sa isang resettlement site sa Barangay Trinidad noong Agosto, at tumanggap ng suportang pinansyal.

Mismong mga pamilya ang nag-demolish ng kanilang mga bahay, upang magamit ang iba pang mga materyales na maari nilang mapakinabangan sa kanilang lilipatan.

Pinuri ni Mayor Mon ang mga residente sa kanilang kooperasyon at pang-unawa sa ginanap na relocation process.

Tiniyak din alkalde ang maayos na implementasyon ng Calbayog Development Project, kasabay ng pagbibigay diin sa kahalagahan ng proyekto sa pag-unlad ng lungsod.

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).