PANGALAWA sa kulelat ang mga estudyante Pilipino pagdating sa creative thinking o malikhaing pag-iisip, batay sa pinakabagong inilabas na report ng Programme for International Student Assessment (PISA).
Sa Global Assessment na isinagawa noong 2022, sinukat ang creative thinking skills ng labinlimang taong gulang na mga mag-aaral mula sa 64 countries and economies sa buong mundo.
Ito ang kauna-unahang creative thinking assessment sa ilalim ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ng PISA na mayroong average na 33 points.
Lumitaw sa resulta ng pag-aaral na nakakuha lamang ang Pilipinas ng average score na 14 points, na ikalawa sa pinakamababa, ang bansang Albania, na mayroong 13 points.
Samantala, ang mga estudyante mula sa Singapore, South Korea, Canada, Australia, New Zealand, Estonia, at Finland ang mayroong pinakamataas na performance sa creative thinking assessment.