8 July 2024
Calbayog City
National

Manok, itlog bababa presyo sa planong pagbili ni PBBM ng avian flu vaccine—Speaker Romualdez

Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez ang inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na bilisan ang pagbili ng avian flu vaccines upang muling mapasigla ang poultry industry ng bansa at mapababa ang presyo ng manok at itlog.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag matapos na makipagpulong si Pangulong Marcos, na siya ring namumuno sa Department of Agriculture (DA), sa mga kinatawan ng PT Vaksindo Satwa Nusantara, isang Indonesian animal health firm.

Plano umano ng Vaksindo na makipagtulungan sa lokal na partner nito na Unahco Inc. (Univet Nutrition and Animal Healthcare Company) Philippines para sa planong paglalagak ng pamumuhunan sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $2 milyon ngayong taon bukod pa sa pagbebenta sa Pilipinas ng avian flu vaccine.

“The early delivery of Vaksindo vaccines could spur the revitalization of our country’s poultry industry which has faced serious challenges due to the continuing threat of the avian flu,” ani Romualdez.

Sinabi ni Romualdez na bumaba ng 20 porsyento ang produksyon ng itlog sa bansa bunsod ng pagkatay sa hindi bababa sa 10 milyong manok dahil sa avian flu na unang naiulat sa bansa noong 2017.

Bunsod nito, tumaas ang presyo at mabibili na ang medium-sized na itlog sa Metro Manila sa halagang P8.70 mula sa P6.90. Mayroon umanong mga palengke na umaabot sa hanggang P10 ang presyo ng regular-sized na itlog.

Ang presyo naman umano ng whole chicken sa Metro Manila ay umakyat sa P200 mula sa P150 noong Hunyo, na iniuugnay din sa avian flu.

“Making avian flu vaccines available to our poultry sector, along with the adoption of best practices, would help ensure we could sustain the encouraging signs of recovery of the industry,” dagdag pa ng lider ng Kamara na may 311 miyembro.

Umaasa rin ang lider ng Kamara na sa pagsasabatas ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines ay makagagawa ng mga gamot at bakuna sa bansa na hindi lamang para sa tao kundi maging sa mga hayop at halaman.

Noong Disyembre ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6452, bagama’t ang counterpart bill ay hindi pa natatapos ng Senado. (Jack Adriano)

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *