Pinaghahanap ang nasa dalawampu’t tatlong (23) sundalo na pinaghihinalaang tinangay ng baha bunsod ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan sa Sikkim State, sa India.
Sa video na ipinakita ng tagapagsalita ng Indian Army, makikita ang malakas na ragasa ng tubig baha na bumalot sa naturang lugar.
Dahil sa malakas na pag-ulan, umapaw ang Lhonak Lake sa North Sikkim, gayundin ang Teesta River.
Sinabayan pa ito ng pinakawalang tubig mula sa Chungthang dam na nagresulta ng mas lalong pagtaas ng tubig baha na aabot sa labinlimang talampakan. Una nang nakapagtala ang Indian authorities ng tatlong sibilyan na nasawi bunsod ng insidente at narekober ang labi ng mga ito sa bayan ng Singtam.