HINDI muna matutuloy ang pagbubukas ng mga klase sa isanlibo at animnapu’t tatlong pampublikong paaralan sa buong bansa, ngayong Lunes, kasunod ng pananalasa ng bagyong Carina at Habagat, ayon sa Department of Education.
Mas mataas ito kumpara sa 1,002 schools na napaulat noong Sabado na maaantala ang school opening dahil sa cleanup at rehabilitation activities.
Sa latest data ng DepEd, karamihan sa mga paaralan pinostpone ang pagbubukas ng mga klase ay mula sa Central Luzon na mayroong 457.
Sumunod ang Ilocos Region, 310 schools; National Capital Region, 225; at CALABARZON, 67.
Apat na eskwelahan sa Soccsksargen ang nagpasya ring ipagpaliban muna ang kanilang class opening.
Una nang inihayag noong Biyernes ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hangga’t maari ay dapat matuloy ang pagbubukas ng mga klase ngayong Lunes, maliban sa mga lugar na lubhang sinalanta ng nagdaang kalamidad.