OPISYAL nang kinansela ang lisensya ng mga natitirang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kahapon, Dec. 15, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na magsasagawa sila ng mga inspeksyon at mahigpit na imo-monitor ang mga natitirang POGO, na dapat ay sarado na.
Aniya, mayroong listahan na ibinigay sa kanila ang PAGCOR, at ang gagawin nila ay iinspeksyunin nila hanggang sa katapusan ng buwan kung mayroon pang natitira na tuloy ang operasyon.
Nagbabala si Cruz na tatargetin nila ang mga POGO na nagtatangkang paliitin ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng paglipat bilang internet gambling licensees, business process outsourcing, at iba pang guerilla operations, pagsapit ng enero sa susunod na taon.