MAS maraming tao ang umalis sa Metro Manila kumpara sa mga dumating sa nakalipas na limang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni Adrian Cerezo, Assistant National Statistician ng PSA Social Sector, nasa limandaan libong residente sa Metro Manila ang umalis sa rehiyon sa nakalipas na limang taon.
Kumpara aniya ito sa tatlundaan walumpu’t isanlibong dumating sa National Capital Region sa kaparehong panahon.
Sa datos, lumitaw na nangunguna pa ring dahilan ang pabahay sa pag-alis ng mga tao sa NCR.
Inihayag ni Cerezo na karamihan ng mga lumabas sa Metro Manila ay nakabili ng bahay at lupa sa mga karatig probinsya, lalo na sa bahagi ng Calabarzon.
Sumunod naman aniyang dahilan ng pag-alis ng mga tao sa NCR ay ang uri ng antas ng pamumuhay sa rehiyon.