Ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isanlibong sako ng smuggled premium rice sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa san Jose de Buenavista, Antique, sa pagpapatuloy ng Visayas leg ng Rice Distribution Program ng gobyerno kahapon.
Ang ipinamigay na bigas ay bahagi pa rin ng mahigit 42,000 na sako ng smuggled na bigas na nakumpiska ng Bureau of Customs sa Zamboanga City.
Sa kanyang talumpati, ibinida ni Marcos ang tulong na naipaabot para sa mga nasalanta ng bagyong paeng sa Antique noong 2022, kabilang ang mahigit pitundaang pamilya na magdiriwang ng pasko sa mga bago nilang tahanan.
Tiniyak din nito ang tulong para sa mga naapektuhan ng pagkalat ng African Swine Fever o ASF. Samantala, pinangunahan din ng pangulo ang pamamahagi ng iba’t ibang government assistance mula sa DSWD, Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Crop Insurance Corp., Department of Labor and Employment, TESDA, Commission on Higher Education, at Department of Health.