5 July 2024
Calbayog City
Local

Ilang lugar sa Calbayog City binaha sanhi ng pag-ulan; Insidente ng landslide naitala sa Brgy. Acedillo

baha

BINAHA ang ilang mga lugar sa Calbayog City sa kasagsagan nang malakas na pag-ulan at hangin dahil sa sama ng panahon araw ng Linggo, August 13. 

Kabilang sa pinasok ng tubig-baha ay ang Matobato Elementary School, kung saan halos umabot sa hanggang beywang ang tubig. Makikita sa video na ipost sa facebook ni Genalyn Billate Calvadores ang halos lubog nang lababo ng eskuwelahan. 

Aniya, maging ang bagong tayong gusali ay hindi rin nakaligtas sa baha. 

Sa mga larawan at videos naman na ipinadala sa Infinite Radio ni Palardon Catalan ay makikita ang pagtaas ng tubig sa kanilang lugar sa likod ng Matobato Elementary School kung saan umapaw na hanggang sa kanilang sahig ang baha. 

Si Jenny Oblino Robido, ay ipinapost sa Infinite Radio ang videos na kanyang kuha sa pagbagsak ng riprap sa bahagi ng “Bulungto” sa Brgy. Malajog. 

Samantala, binaha naman ang malaking bahagi ng Brgy. Bontay. Sa mga larawan na ibinahagi ni Reynaldo Catioc Jr. ay makikita ang pag-apaw ng ilog, kung saan maging ang tulay ay nalubog na rin sa baha. Nagmistulang ilog ang Brgy. 

Bumigay naman ang Box Culvert papasok at palabas ng Brgy. Acedillo na nasa pagitan ng Gadgaran-Navarro Road. Napag-alaman na hindi ginamitan ng steel bars o kabilya ang konstruksiyon ng nasabing Box Culvert dahilan para ito’y bumagsak sa kasagsagan ng ulan. 

Problema naman ngayon ng mga residente ang pagdan palabas at papasok sa kanilang lugar. 

Isang bahay naman ang nawasak matapos dumausdos ang lupa na kinatitirikan nito sa Brgy. Acedillo. 

Umapela naman ang may-ari ng bahay na si Angelica Montalbon Prudenciado, na tulungan sila na makapagpatayo ng pansamantalang matitirahan. 

May mga naiulat din na pagbaha sa Brgy. Danao 1 sa Tinambacan District at Brgy. Dinagan. 

Inirereklamo naman ni Joe Cairo ang pagbaha sa bahagi ng Matobato-Pagbalikan road. Aniya, simula nang magkaroon ng kalsada ay umaapaw na ang tubig, natatakot umano sila sa posibleng sakit na maaring maidulot sa kanila tulad ng kagat ng lamok. 

Apela niya sa DPWH, dapat lagyan na nang kanal ang kanilang lugar para hindi maipon ang tubig.

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).

    Leave a Reply

    Your email address will not be published. Required fields are marked *