IMINUNGKAHI ng isang election watchdog sa Comelec na bumalik na lamang sa manual voting subalit automated ang transmission, upang maiwasan ang anumang delay sa pag-i-imprenta ng mga balota.
Ginawa ni Kontra Daya Convenor Danilo Arao ang suhestiyon, makaraang masayang ang anim na milyong balota para sa nalalapit na halalan sa Mayo, na nagkakahalaga ng 132 Million Pesos.
Sinabi ni Arao na sa pamamagitan ng pagbabalik sa mano-manong botohan ay maiiwasan ang pagka-antala dahil ang mga botante ang magsusulat ng pangalan ng mga napupusuan nilang kandidato.
Idinagdag ng University of the Philippines Professor na kung gagawin ito ay tuloy-tuloy lamang ang pag-print ng ng mga balota, anuman ang susunod na maging desisyon ng supreme court.
Binigyang diin ni Arao na makatitipid ng bilyon-bilyong piso ang panukala nilang “hybrid elections” dahil minimal o kaunti lamang aniya ang kakailanganing equipment dito, gaya ng laptops.