13 July 2025
Calbayog City
National

Halalan 2025, naging mapayapa sa pangkalahatan, ayon sa PNP

NAGING mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na national and local elections araw ng Lunes, May 12.

Ito ang inihayag ng Philippine National Police (PNP) pagkatapos ng botohan.

Naging mahigpit ang koordinasyon ng PNP sa Commission on Elections (COMELEC) katuwang ang iba pang mga ahensya at matagumpay na naisakatuparan ang mandato nito na bantayan at pangalagaan ang boses ng mamamayan.

Pinuri naman ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang lahat ng yunit ng pulisya at mga katuwang na ahensya sa kanilang dedikasyon at disiplina sa pagtupad ng tungkulin sa halalan.

Ayon kay Marbil, may ilang naiulat na minor technical at logistical issues gaya ng pagkasira ng Automated Counting Machines (ACMs), pagkaantala ng pagbubukas ng mga presinto, at hirap sa paghanap ng pangalan ng mga botante sa listahan, ngunit agad naman itong naaksyunan ng mga kinauukulan.

Wala sa mga insidenteng ito ang nagdulot ng banta sa seguridad o nakaapekto sa maayos na daloy ng halalan.

Sa kabuuan, 205,136 na mga government personnel ang naitalang ipinakalat sa buong bansa, kabilang ang 163,621 na mula sa PNP, 3,698 na itinalaga bilang special electoral board members, at 37,817 augmentation forces mula sa AFP, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang partner agencies.

Tumugon din ang PNP sa ilang ulat ng paglabag sa liquor ban at umano’y vote buying.

Patuloy ang imbestigasyon at sasampahan ng kaso ang sinumang mapatutunayang lumabag sa mga batas ng halalan.

Nananatiling naka-full alert ang PNP habang nagpapatuloy ang canvassing at proklamasyon ng mga nanalong kandidato.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).