IPAGIGIBA na lamang ang isang gusali na itinayo sa Laguna University dahil naka-tengga lamang ito at hindi nagagamit ng mga estudyante bunsod ng nakitang mga bitak.
Nag-inspeksyon si Laguna Governor Sol Aragones para tignan ang gusali na nai-turnover sa unibersidad noong taong 2017 para sa 7,000 mga estudyante.
Gayunman, simula April 2025 ay hindi na ito ginagamit dahil sa nakitang mga bitak at ayon kay Provincial Administrator Jerry Pelayo, gumagalaw ang gusali kahit wala namang lindol.
Ayon kay Pelayo, nang sumulat sila sa contractor nito ay umamin ang contractor na wala silang alam sa proyekto dahil ginamit lang ang kanilang lisensya.
Sinabi ni Aragones na ipagigiba na lamang gusali na ginastusan ng P68 million dahil delikado ito sa mga mag-aaral.
Tiniyak din ng gobernadora na mananagot ang kontraktor at sinumang opisyal na sangkot sa palpak na proyekto.




