NAGPASA ng resolusyon ang Regional Development Council (RDC) na humihiling sa Office of the President na agad i-release ang 1.17 billion pesos na pondo para sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge ngayong taon.
Sinabi ni RDC Infrastructure Committee Chairman Edgar Tabacon, na siya ring regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na naiabot na nila ang kopya ng resolusyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang bisitahin ng punong ehekutibo ang San Juanico Bridge noong Miyerkules.
June 10 nang aprubahan ng Highest Policy-Making Body ng rehiyon ang resolusyon, na humihiling ng alokasyon para agad mapondohan ang pagpapatibay at maibalik ang 33-Ton Load Capacity sa San Juanico Bridge.
Nakasaad din sa dokumento ang panawagan sa Department of Budget and Management na tukuyin at irekomenda sa pangulo ang panggagalingan ng pondo, para mapabilis ang pagpapatibay sa tulay sa loob ng isang taon.