NAKATAKDANG kasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng qualified human trafficking si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kanya umanong mga business partner ngayong linggo.
Kabilang sa mga kakasuhan ang sinasabing POGO “big boss” na si Huang Zhiyang.
Ito’y matapos aprubahan ng Supreme Court ang hiling ng DOJ na ilipat ang hearing sa Pasig Regional Trial Court mula sa Regional Trial Court Branch 66 ng Capas, Tarlac.
Ayon sa DOJ, ang mga kaso sa ilalim ng Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ay walang piyansa at may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo.
Una nang inilipat ang graft case ni Guo sa Valenzuela Regional Trial Court. Nahaharap din ang dating alkalde sa reklamong tax evasion at money laundering sa DOJ.