MAG-iiba ng diskarte ang Pilipinas sa pakikipag-usap sa China kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea (WPS).
Ito, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay dahil patuloy na binabalewala ng China ang mga tradisyunal na paraan ng pag-resolba sa isyu.
Kabilang na aniya rito ang pagpapadala ng Note Verbale, Demarche o direktang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Beijing sa gobyerno ng China, paghahain ng diplomatic protest, at pagpapatawag sa Chinese Ambassador.
Sinabi ng Pangulo na napakaliit na progreso lamang ang nagawa ng mga naturang hakbang, kaya panahon na para subukan ang mga bagay na hindi pa nagagawa ng bansa.
Idinagdag ni Marcos na dapat nang bumuo ng mga bagong konsepto na tinawag niyang “Paradigm Shift”.
Tiniyak naman ng punong ehekutibo na mananatili ang direksyon ng Pilipinas tungo sa kapayapaan, kaakibat ang patuloy na pakikipag-usap sa mga kaalyadong bansa para sa pagkakaroon ng joint positions at kanya-kanyang responsibilidad sa karagatan.