KINONTRA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang komento ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na “palabas lamang” ang mga insidente sa South China Sea na umano’y nasa ilalim ng direksyon ng ibang mga bansa.
Sa statement, iginiit ng DFA na dapat kilalanin ng China ang Pilipinas bilang independent at sovereign state na ang mga hakbang at desisyon ay ipinatutupad para sa kapakanan ng buong bansa at ng mga Pilipino.
Idinagdag ng kagawaran na walang kwento o palabas na maaring magtakip sa totoong isyu na ayaw sumunod ng China sa International Law, at sa agresibong panggigipit ng Chinese vessels sa mga barko ng Pilipinas.
Nanawagan din ang DFA sa ibang mga bansa na maging maingat, at iwasan ang mga hakbang at salitang makadaragdag lamang sa tensyon sa rehiyon.