OPISYAL nang pinamumunuan ni Secretary Sonny Angara ang Department of Education (DepEd).
Ito’y matapos i-turnover ni resigned Education Secretary at Vice President Sara Duterte ang posisyon sa isang seremonya na ginanap sa DepEd Complex sa Pasig City, kahapon.
Sa turnover, ipinasa ni Duterte kay Angara ang seal at flag ng kagawaran, pati ang transition report.
Bago naman ang seremonya, ay ipinasyal ni VP Sara ang bagong kalihim sa gusali ng DepEd.
Sa kanyang huling talumpati bilang DepEd Chief, tinukoy ni Duterte ang mga programa at proyekto na kanyang ipinatupad sa dalawang taon niyang pamumuno sa ahensya.
Kabilang sa kanyang binanggit ang Matatag Agenda, K to 10 Matatag Curriculum, pagre-review sa senior high school curriculum, paglulunsad ng National Learning Recovery Plan, at ang pagbabalik ng in-person classes para sa tinatayang 27 million na mga mag-aaral sa buong bansa.
Sa kanya namang unang talumpati bilang Education Secretary, sinabi ni Angara na buong pagpapakumbaba niyang tinatanggap ang katungkulan, bilang tugon sa tiwala at hamon ng pangulo na higit pang pag-ibayuhin ang mga programa na magsusulong sa mataas na kalidad ng karunungan para sa mga mag-aaral.