Suportado ng mga lokal na opisyal ng Calbayog ang deklarasyon ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) ng lungsod na ginanap noong September 10, 2024 sa Calbayog Sports Center.
Ang deklarasyon ay dinaluhan nina Samar Congressman Stephen James “Jimboy” Tan, Calbayog City Mayor Raymund “Monmon” Uy, Calbayog Vice Mayor Rex Daguman, mga konsehal ng lungsod, mga punong barangay, mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at mga kinatawan ng pribadong sektor.
Present din sa kaganapan sina Deputy Brigade Commander ng 803rd Infantry Brigade na si Col. Ericson Rosana, LTC Nasser Arojo, Commanding Officer ng 43rd Infantry Battalion, 8th Infantry Division, at PCOL Antonietto Eric Mendoza, Provincial Director ng Samar Police Provincial Office (SPPO).
Sa kanyang pambungad na salita, sinabi ni Vice Mayor Rex Daguman na napapanahon ang deklarasyon dahil ang lungsod ay aktibong pinauunlad ang turismo bilang isa sa mga pangunahing economic drivers ng Calbayog.
Dagdag pa niya, handa na ang lungsod sa pag-usbong ng turismo at asenso.
Ayon naman kay Mayor Raymund Uy, masuwerte ang Calbayog at ang mga namumuno dahil sa kanilang termino idineklara ang kapayapaan, matapos ang ilang dekadang pakikibaka laban sa insurhensiya.
Hinikayat din niya ang patuloy na partisipasyon ng lahat ng ahensya upang mapanatili ang nakamit na kapayapaan, at binigyang-diin ang kahalagahan ng nilagdaang Memorandum of Understanding.
Pinasalamatan din ni Uy ang suporta ng lahat sa pagkamit ng kapayapaan sa lungsod.
Samantala, pinuri ni Congressman Stephen James “Jimboy” Tan ang mga kasundaluhan at kapulisan sa kanilang pagsisikap para makamit ang kapayapaan.
Ibinahagi rin niya ang mga pangunahing pangangailangan ng mga komunidad tulad ng access roads, malinis na tubig, kuryente, at ang kahalagahan ng komunikasyon, partikular na ang Wi-Fi, na patuloy na tinutugunan ng kanyang tanggapan.
Aniya, patuloy niyang susuportahan ang laban kontra insurhensiya.