IDINEKLARA ang Calbayog City sa Samar bilang kauna-unahang lungsod sa Eastern Visayas na mayroong Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC) o tuluyan nang nakalaya mula sa banta ng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Mayor Raymund “Monmon” Uy na sa pamamagitan ng deklarasyon ng estado ng lungsod, napatunayan na hindi na bahagi ng kanilang problema ang insurhensiya.
Sa kanyang talumpati, kumpiyansa si Mayor Mon na mapaninindigan nila ang estado ng lungsod sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga iniluklok na opisyal at mga residente, para mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad.
Ang Calbayog ang una sa pitong lungsod sa Eastern Visayas na idineklarang insurgency-free kasunod ng pagpasa ng resolusyon ng city council, batay sa panukala ng City Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Para kay Judy Batulan, Samar Provincial Director ng Department of the Interior and Local Government, ang deklarasyon ay isang hakbang upang mabago ang imahen ng lungsod sa positibong pananaw.
Sa mensahe naman ni 803rd Infantry Brigade Commander, Brig. Gen. Efren Morados, ang insurgency-free declaration ay isang testamento ng Whole of the Nation at Good Governance Approach.