BUMABA sa 5.62 billion dollars ang Debt Service Burden ng Pilipinas simula Enero hanggang Mayo sa gitna ng double-digit na ibinaba sa Principal Payments.
Sa preliminary data na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 14.8 percent na mas mababa ang Debt Service Burden ng bansa kumpara sa 6.59 billion dollars na naitala sa unang limang buwan noong 2023.
Malaki ang inutang ng national government mula sa foreign at domestic creditors para mapunan ang budget deficit ng bansa, dahil mas malaki ang ginagastos nito kaysa sa kinikita.
Sa unang limang buwan ng 2024, bumagsak ng 37.1 percent o sa 2.41 billion dollars ang principal payments mula sa 3.83 billion dollars na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, ang interest payments ay umabot naman sa 3.21 billion dollars hanggang noong katapusan ng mayo, na mas mataas ng 19.9 percent kumpara sa 2.674 billion dollars na nai-record sa kaparehong panahon noong 2023.