IKINU-konsidera ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng panibagong serye ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP).
Balak ng ahensya na ipatupad ito ngayon sa bawang at itlog.
Gayunman, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Na kailangan pang maghintay para sa pagtatakda ng maximum price cap sa imported na bawang dahil ang pangunahing tinututukan ng ahensya sa ngayon ay ang pagkontrol sa presyo ng bigas at karneng baboy.
Inihayag ni Tiu Laurel na ang panukala sa pagpapatupad ng MSRP sa bawang ay napag-usapan na pero itinigil muna matapos bumagsak sa 100 pesos ang presyo nito mula sa pinakamataas na 160 pesos per kilo.
Idinagdag ng kalihim na mahigpit ding binabantayan ng DA ang presyo ng itlog upang matiyak na hindi ito lolobo sa “Unreasonable Levels.”
Aniya, mino-monitor nila ang mga lugar kung saan ang presyo ng itlog ay nasa anim hanggang walong piso kada piraso, mas mababa kumpara sa napaulat na sampu hanggang dose pesos kada piraso.