PINAG-aaralan ng Department of Agriculture na tapyasan pa ng apat na piso kada kilo ang maximum suggested retail price ng imported na bigas sa katapusan ng buwan.
Ito’y kapag nagpatuloy pa ang pagbaba ng global prices at paglakas pa ng halaga ng piso kontra dolyar.
Sa statement, sinabi ng ahensya na plano pang ibaba ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang MSRP ng imported rice sa 45 pesos per kilo mula sa 49 pesos.
Matatandaang inilunsad ang MSRP sa imported sa bigas sa 58 pesos per kilo noong Pebrero.
Sa pinakahuling datos mula sa DA price monitoring, simula March 3 hanggang 8, mabibili ang imported rice sa Metro Manila mula 41.13 pesos hanggang 57.57 pesos per kilo.