Posibleng mapanagot ang guro sa Antipolo City sa ilalim ng batas laban sa child abuse, subalit masyado pang maaga kung kakasuhan ito ng homicide makaraang ma-comatose at tuluyang bawian ng buhay ang lalaking estudyante na umano’y sinampal nito.
Ito, ayon kay Police Lt. Col. Ryan Manongdo, Officer-In-Charge ng Antipolo Police, kasabay ng pagsasabing, ang maaring ikaso laban sa teacher mula sa Peñafrancia Elementary School ay paglabag sa Republic Act no. 7610.
Sinabi ni Manongdo na inamin ng guro ang pananakit at maraming mga nakasaksi sa insidente.
Gayunman, para sabihin aniya na direktang nasawi ang biktimang Grade 5 pupil sa naturang pangyayari ay tutukuyin pa ito sa pamamagitan ng autopsy report. Tumanggi rin si Manongdo na sabihin kung sinampal o sinuntok ng teacher ang biktima, subalit aminado aniya ang guro na napagbuhatan niya ng kamay ang estudyante.