Kasunod ng pagkakasabat ng P2.8 billion na halaga ng luxury vehicles, hinikayat ng Bureau of Customs (BOC) ang mga negosyante na boluntaryong magbayad ng buwis ng mga inaangkat nilang produkto.
Partikular na nanawagan ang BOC sa mga may-ari o claimants ng imported goods na na-isyuhan ng Letters of Authority (LOA) upang agad nilang bayaran ang duties at taxes para hindi na mauwi sa pagpapalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD).
Sa ilalim ng Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), ang mga may-ari o claimants ay mayroong 15-araw para tumugon sa BOC matapos silang maisyuhan ng LOA.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, sa pamamagitan ng voluntary payment makakaiwas ang gobyerno at ang concerned na partido na pagdaanan ang mas kumplikadong proseso sa ilalim ng Warrant and Seizure proceeding.
Sa ilalim ng Section 5 ng Customs Administrative Order (CAO) 10-2020, agad na ire- release ang mga nakumpiskang goods o produkto kung ang may-ari ay makapagpapakita ng proof of payment ng duties at taxes sa ginawa nilang pag-aangkat.
Ginawa ni Rubio ang nasabing paalala matapos ang magkakasunod na tagumpay na operasyon ng BOC sa mga warehouse sa Makati, Taguig, Parañaque, at Pasay kung saan natuklasan ang nasa P2.8 billion na halaga ng mamahaling mga sasakyan kabilang ang Ferrari, Porsche, McLaren, at iba pa.
Ang may-ari ng nasabing mga warehouse ay binigyan ng LOA ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at pansamantalang ipinasara ang kanilang shop.
Upang mabawi ang mga kinumpiskang sasakyan, kailangan lamang nilang magpakita ng ebidensya na ang mga sasakyan ay nabili dito sa bansa o hindi inangkat mula sa ibang bansa.
Kung mabibigo naman silang gawin ito ay maaari silang maharap sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, sa pamamagitan ng boluntaryong pagbabayad ng buwis ng nasabing mga sasakyan, maaaring makakulekta ng dagdag na tax revenue ang pamahalaan.