Tatlundaan walumpu’t isang pamilya o katumbas ng isanlibo limandaan at limampung indibidwal ang inilikas ng mga otoridad sa mas ligtas na lugar makaraang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Dipaculao, sa Aurora.
Ayon kay Aurora Governor Reynante Tolentino, pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong residente sa Dipaculao Sports Complex, Mega Evacuation Center, at Ipil Evacuation Center.
Inihayag ng 703rd Agila Brigade ng 7th Infantry Division na nangyari ang sagupaan sa mga barangay Toytoyan at Salay.
Sinabi ng militar na dalawang magkasunod na araw na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde sa mga naturang barangay, na tumagal ng tatlumpu at apatnapung minuto.
Isinailalim ang bayan ng Dipaculao sa heightened alert status bunsod ng mga naturang sagupaan.