Hinimok ni Speaker Martin Romualdez ang mga miyembro ng Regional Peace and Order Council ng Region 8 (RPOC-8) na itaguyod ang mas ligtas at mas maunlad na Eastern Visayas sa pamamagitan ng sama-samang pagbuo ng desisyon.
Sa kanyang pagsasalita sa ikatlong quarterly meeting ng RPOC-8, iginiit ng mambabatas ang kahalagahan ng konseho sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Sinabi rin ng kinatawan mula sa Tacloban City na bilang mga pinuno, ang kanilang mga pag-uusap at estratehiyang napagkasunduan ay mayroong implikasyon sa publiko.
Ang RPOC ay nagsisilbing plataporma ng gobyerno para mapagtibay ang ugnayan ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensyang may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas, at komunidad sa paglaban sa kriminalidad, ipinagbabawal na gamot, paglaban sa gobyerno at karahasan.
Ito ay binubuo ng mga gubernador, alkalde ng mga highly urbanized city, mga pangulo ng leagues of municipalities, isang kinatawan ng mga mayor, mga regional counterpart ng mga departamento, tanggapan, at ahensya kasama ang NPOC, kumander ng AFP Infantry Division, at tatlong accredited CSO.