UMANI ng sari-saring reaksyon, pero karamihan ay kritisismo, ang actor-turned-politician na si Arron Villaflor, matapos isingit ang kanyang litrato sa social media post na nananawagan ng panalangin para sa mga biktima ng lindol sa Cebu.
Una nang ibinahagi ni Villaflor, Second District Board Member sa Tarlac, sa kanyang Instagram page ang Art Card na may nakasulat na “Pray for Cebu and those affected by the earthquake.”
Gayunman, kapansin-pansin para sa mga netizen ang pangalan at litrato ng aktor na tila nagdadasal.
Inalis na ni Villaflor ang kanyang post matapos umani ng negatibong reaksyon subalit ni-reupload ito ng iba’t ibang Facebook pages, kabilang ang Follow the Trend Movement (FTTM).
Nakakuha na ng mahigit 144,000 Facebook reactions at mahigit 3,200 comments ang post ng FTTM, kung saan pinagtawanan ang tila paggaya ni Villaflor kay Santino na bida sa 2009 TV Series na “May Bukas Pa.”
Inakusahan din ng iba ang aktor na TRAPO (Traditional Politician) habang may ilang nagsabi na nagpapahiwatig ito ng “Main Character Vibes.”