Hindi bababa sa pito ang nasawi habang tatlumpu’t isa ang nasugatan sa landslide na tumama sa isang minahan ng ginto sa Davao de Oro.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa apatnapu’t walo katao na natabunan ng gumuhong lupa sa bayan ng Maco, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Martes ng gabi nang tumama ang landslide sa Barangay Masara na nagresulta sa pagkawasak ng ilang kabahayan, habang dalawang bus na may lulang mga empleyado ng minahan ang nilamon ng putik at bato.
Tinaya sa dalawampu’t walo ang lulan ng mga bus nang mangyari ang trahedya, subalit walo ang agad nakalabas ng sasakyan sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana.