PITONG bayan sa Leyte ang opisyal nang idineklara na tuluyan nang malaya mula sa banta ng New People’s Army (NPA), sa isang seremonya na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at Philippine Army.
Sinabi ni Palo Mayor Remedios Petilla, pangulo ng League of Municipalities – Leyte Chapter, na lahat ng mga bayan sa First Congressional District sa lalawigan ay tumutok sa seguridad ng mga komunidad, kaya nagkaroon ng deklarasyon ng Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC).
Idinagdag ni Petilla na umaasa sila na lahat ng mga bayan sa Leyte ay malapit nang maideklara bilang stable at secure.
Kabilang sa mga idineklara bilang New Insurgency-Free Areas ang mga bayan ng Alangalang, Palo, Babatngon, San Miguel, Sta. Fe, Tanauan, at Tolosa.
Sa kasalukuyan, labimpitong mga bayan at isang lungsod sa lalawigan ng Leyte ang mayroong SIPSC Status.