Malapit nang itayo ang bagong City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) building, na may kasamang command center sa Calbayog.
Ito’y matapos isulong ni Mayor Raymund “Monmon” Uy ang patuloy na pag-upgrade sa mga kapabilidad ng disaster risk reduction management ng lungsod.
Iprinisinta ni City Engineer Ashley Albana ang building plan, kasama sina City Urban Housing Development Head Engineer Ricky Moreno at Jessie Montealto ng City Assessor’s Office, ng bagong gusali kay mayor Mon nang magpulong sila noong Biyernes.
Sinabi ni Albana na ang bagong building ay itatayo, katabi ng Calbayog Police Station sa Calbayog Land Transport and Public Market complex sa Barangay Bagacay.
Magsisimula ang konstruksyon ng Phase I ng proposed three-storey building sa Hunyo.
Samantala, magdo-donate din ang city government ng bahagi ng lupa sa Sitio Talahib para naman sa pagtatayuan ng bagong Calbayog Fire Station sa ilalim ng Bureau of Fire Protection.