SUGATAN ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, na tumatakbo ngayon bilang alkalde sa Albuera, Leyte, makaraang pagbabarilin sa isang campaign event, kahapon ng alas kwatro ng hapon, sa Barangay Tinag-an.
Ayon sa mga awtoridad, nakaupo si Espinosa habang naghihintay para magsalita nang barilin ito mula sa likuran ng salarin na nagtago sa kisame ng entablado.
Bukod sa mayoralty candidate, nasugatan din sa insidente ang isang menor de edad, pati na si Vice Mayoralty Candidate Mariel Espinosa Marinay.
Isinugod ng close-in security ni Espinosa ang mga biktima sa ospital upang malapatan ng lunas.
Nabatid na nagtamo ng tama ng bala sa balikat si Espinosa.
Naglatag ang Albuera police ng mga checkpoint habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa salarin.
Kinondena naman ni COMELEC Chairman George Garcia ang insidente, kasabay ng pagsasabing dapat maigawad agad ang hustisya.